Lalaki na nakipag-areglo sa kasong pananaksak, patay sa pamamaril

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 06:48 PM

Isang lalaking nakipag-areglo sa korte ang napatay matapos umuwi galing korte sa bayan ng Asuncion sa Davao del Norte nitong Miyerkoles, Nobyembre 13, 2019. Larawan mula sa Asuncion Police

ASUNCION, Davao del Norte - Patay sa pamamaril ang isang lalaking galing sa korte sa bayan na ito Miyerkoles.

Ayon kay Erlinda Quejada, ina ng biktima na si Roel Quejada, kasama niya ang anak habang lulan sila ng motor nang pagbabarilin ng di kilalang salarin ang biktima habang nagmamaneho.

Suwerte na hindi nadamay si Erlinda.

Galing umano sila sa korte dahil nakipag-areglo si Roel sa nasaksak nito na kaniyang kainuman at nang pauwi na sila sa kanilang bahay, tinabihan sila ng gunman na sakay din ng motor.

"Di ko masabi kung sila ba talaga ang gumawa kasi di ko nakita, pero wala naman kaming ibang pagdududahan kasi sila lang naman ang nakaengkuwentro ng anak ko," ani Erlinda.

Ayon sa pulisya, nitong Setyembre ay sumuko si Roel sa kanilang estasyon matapos makasaksak ng kaniyang kainuman. Kinasuhan siya ng frustrated homicide pero nakipag-areglo sa biktima.

"'Yung tinitingnan natin, personal grudge o galit. 'Di pa natin ma-conclude," ani Police Maj. Jake Goles, hepe ng Asuncion Police.

Nananawagan ng hustisya ang pamilya Quejada sa nangyari sa kanilang kaanak. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.