Kinder teacher, patay sa pamamaril sa Davao Del Norte

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 07:02 PM

Isa sa tinitingnang motibo ng awtoridad sa pamamaslang ay ang pagkakasangkot ng biktima sa isang investment scam. Claire Cornelio, ABS-CBN News

ASUNCION, Davao del Norte – Palaisipan pa rin ngayon sa mga katrabaho ng isang guro ang naging motibo sa pagpaslang sa kaniya sa Barangay Cambanogoy sa nasabing bayan.
 
“Nagulat talaga ako sa nangyari kay Ma’am Joan Laruya. Ako, personal, wala naman akong nalalaman na anomalya sa kaniya dito sa paaralan," sabi ni Paterna Cubar, principal ng Katipunan Elementary School.

Naka-half mast ang bandila ng paaralan kung saan nagturo bilang kindergarten teacher si Laruya.

Nagsindi rin ang mga kasamahan niya sa eskuwelahan ng kandila at nag-alay ng panalangin para sa pinaslang na guro.

Ayon sa pulisya, papunta sa paaralan ang 42 anyos na biktima sakay ng pedicab nang pagbabarilin, Martes ng umaga.

Isa sa tinututukang motibo ng pulisya ang pagsali ng biktima sa isang investment scheme. Napag-alaman na magdadalawang linggo na hindi mapakali ang biktima at nagtatago.

“Ang lumabas na kuwento parang siya ang inutusan na mag-invest then parang i-verify, ‘di daw na-invest ang pera parang ‘di na pay in, 'yon ang cause," sabi ni Police Maj. Jake Goles, hepe ng Asuncion Police.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa pamamaslang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.