Higit 300 Tsino na sangkot sa 'telecom fraud' ipina-deport

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 03:27 PM

MAYNILA — Ipina-deport na ng Bureau of Immigration (BI) pabalik sa China ang 312 Chinese national na naaresto dahil sa pagkakadawit nila sa telecom fraud.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, parte ang 312 ng 512 naaresto sa isang raid sa Pasay City noong Oktubre 9. 

Bukod sa mga Chinese, naaresto din sa naturang raid ang ilang mga Burmese, Malaysian, Vietnamese, Taiwanese, at Indonesian nationals.

Inipon ang mga naarestong Chinese sa National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa sa Taguig para sa kanilang deportation. 

Kasamang ibabalik sa China ang 21 menor de edad na nai-turnover na sa kostodiya ng Chinese Embassy. 

Ayon sa BI, kanselado na ang pasaporte ng mga ito kaya pawang undocumented aliens na sila

Isinakay ang mga deportees sa 5 chartered China Eastern flights patungong Shijiazhuang, Hebei Province at Changchun, Jilin Province. —Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.