4 na pulis-Maynila na nangikil ng P200,000 sa drug suspek, arestado

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2019 05:24 AM | Updated as of Nov 14 2019 06:55 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA—Arestado ang 4 na pulis-Maynila dahil umano sa pangingikil ng P200,000 sa pamilya ng naarestong drug suspek.

Nahuli sa entrapment operation Miyerkoles ng gabi ang mga pulis sa loob ng Baseco Police Community Precinct matapos nilang tanggapin ang marked money.

Nakadestino sila bilang beat patrollers ng Manila Police District (MPD) Station 5 at may ranggong corporal at patrolman.

Ayon sa Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), ikinasa ang operasyon matapos magsumbong sa kanila ang isang ginang.

Hinihingan umano ng mga pulis ang ginang ng P500,000 kapalit ng paglaya ng mister nito.

Nakulong ang lalaki noong Nobyembre 12 dahil sa kaso ng ilegal na droga.

Naibaba sa P200,000 ang hinihinging pera ng mga pulis at saka isinagawa ang operasyon.

Nakakulong sa detention facility ng PNP-IMEG ang mga pulis na mahaharap sa mga kasong kriminal at administratibo.—Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.