MODUS: Lalaking 'nagpaawa' nakatangay ng higit P4 milyon sa ka-chat sa FB

ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2018 09:12 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaking inireklamo ng kaniyang kausap sa Facebook matapos umanong mag-imbento ng kuwento para kaawaan siya at bigyan ng pera.

Hinuli ng mga operatiba ng NBI Anti-Graft Division sa entrapment operation sa isang mall ang suspek na si Jason Rabe matapos ireklamo ni alyas "Dale," isang overseas Filipino worker. 

Ayon kay Dale, paulit-ulit daw siyang hiningan ng pera ni Rabe mula pa noong nakaraang taon.

Ikinuwento raw ni Rabe kay Dale na kailangan niya ng perang pang-ospital sa kapatid, at kamamatay lang din daw ng mga magulang at isa pa niyang kapatid.

Umabot sa P4 milyon ang naibigay ni Dale kay Rabe, kasama rin ang investment sa umano'y negosyo.

Pero natuklasan ni Dale nang mag-imbestiga na hindi totoo ang sinasabing negosyo ni Rabe, na nakilala lang ng biktima sa Facebook.

Lumabas din sa imbestigasyon na gawa-gawa lang ang madramang kuwento ni Rabe.

Nagpaalala naman si NBI Anti-Graft Division acting chief Nathaniel Ramos sa publiko na huwag agad magtiwala sa mga nakikilala at nakakausap sa internet.

Ikinulong si Rabe sa kasong estafa at paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012.

--Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.