Korean company na nag-import ng basura, pinatitigil ang operasyon

Rod Bolivar, ABS-CBN News

Posted at Nov 14 2018 11:14 PM | Updated as of Nov 15 2018 08:35 PM

Higit 5,000 tonelada ng basura mula South Korea ang dumating sa Mindanao International Container Port, Misamis Oriental. ABS-CBN News

Pansamantalang pinatitigil ng Bureau of Customs (BOC) ang operasyon ng Korean na kompanyang Verde Soko Philippines Industrial Corporation sa Tagoloan, Misamis Oriental matapos dumating sa bansa ang 5,000 tonelada ng basura mula South Korea. 

Naglabas ng warrant of seizure and detention ang ahensiya laban sa kompanya habang patuloy itong iniimbestigahan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Una nang kinuwestyon ng Customs kung bakit nakalabas sa Mindanao International Container Port (MICT) ang basura mula South Korea noong Hulyo kahit na misdeclared ito.

Watch more in iWant or TFC.tv

Base sa dokumento ng kompanya, “plastic synthetic flakes” ang mga kargamento, pero nang sinuri ng BOC ang kanilang plata, buo-buo pa ang ibang basura at gawa pa sa iba-ibang materyales.

“Nasa ilalim ng kapangyarihan ng aming batas na maaari ang Bureau of Customs na mag-issue ng warrant of seizure and detention kapag kami ay mayroong matibay na ebidensya na mayroong violation sa ilalim ng batas," ani MICT Port Collector John Simon.

"At yan ang tinatawag natin na misdeclaration. Ang pagkakaiba ng deklarasyon at ang actual physical check na nadiskobre namin."

Unang pagkakataon din na nakapasok sa planta ang mga opisyal ng lokal pamahalaan ng Tagoloan dahil hindi kumuha ng permit sa munisipyo para makapag-operate ang planta.

“We strongly condemn ang kompanya sa kanilang pagtambak ng basura sa aming lugar. Ano ang tingin nila sa Tagoloan, basurahan?” ani Tagoloan Mayor Heckert Emano.

Nagrereklamo din ang mga residente na nakatira malapit sa planta na nangangamoy ang basura at nilalangaw ang kanilang lugar.

Plano ng konseho ng munisipyo na gumawa ng resolusyon para matigil ang operasyon ng planta at maibalik sa South Korea ang mga basura.