Biktima ng pamamaril sa Dipolog, inaresto dahil sa patong-patong na kaso

Dynah Gay Diestro, ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2019 08:42 PM

DIPOLOG CITY — Isang lalaki na biktima umano ng pamamaril sa lungsod na ito ang inaresto ng pulisya Martes matapos mahalungkat ang kaniyang mga patong-patong na kaso.

Ang biktima na natiklo, isang Philip Pelin, ay pinagbabaril umano ng isang riding-in-tandem habang naghihintay siya ng masasakyan sa isang terminal sa Barangay Miputak.

Ngunit, habang iniimbestigahan siya ng pulisya sa nangyaring pamamaril sa kaniya, nahalungkat ang mga kaso. Kasama na rito ang isang warrant of arrest para sa kaniya sa kasong frustrated murder sa Zamboanga City noong 2016.

“Dinala [siya] dito sa police station and we conducted some interview only to find out that this person, upon verifications ng intelligence operative natin, they found out na meron siyang existing warrant of arrest for frustrated murder," ani Police. Lt. Col. Gilzen Niño Manese, hepe ng Dipolog City Police Station.

"Meron din siyang warrant for malversation of public funds in Dapitan City, which is according to his lawyer, was already dismissed. We found out also meron pa siyang mga previous cases ng illegal possession of firearms. Na-involve din siya sa murder case sa La Libertad.”

Mga bala ng kalibre .45 na baril at 5.56 rifle ang narekober ng mga pulis mula sa pinangyarihan ng pamamaril sa 50-anyos na si Pelin.

Paniwala ng mga awtoridad, may kinalaman ang kinakaharap na patong-patong na kaso sa motibo ng pamamaril sa biktima na isa din palang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.