3 patay sa banggaan ng SUV, truck sa Bukidnon

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2019 12:24 AM

Kuha ng Manolo Fortich MPS

Tatlo ang patay habang tatlo naman ang sugatan sa banggaan ng SUV at dump truck sa sa Barangay Maluko ng bayan ng Manolo Fortich sa Bukidnon nitong Martes.

Patay ang driver ng SUV na si Prince Clark Borja, at mag-asawang sakay niya na sina Emmanuel at Anecita Barabat. Sugatan naman ang kanilang mga kasamahan.

Mga empleyado ng VCDU Realty Corporation ang mga nasawi na papunta sana sa Cagayan de Oro City galing Malaybalay City sa Bukidnon.

Galing naman mula sa Dalirig sa Manolo Fortich ang truck at papunta din umano sa Malaybalay.

Ayon sa hepe ng Manolo Fortich Municipal Police Station na si Police Lt. Col. Duphar Chris Cuaresma, nakaagaw ng lane ng dump truck ang SUV.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang driver ng dump truck na posibleng makasuhan ng reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple serious physical injuries, at damage to properties.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.