200 barangay chiefs sa Maynila pinasususpinde dahil sa basura, obstructions sa daan

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2019 05:19 PM | Updated as of Nov 15 2019 08:33 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inirekomenda ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na suspindihin ang 200 barangay chief sa Maynila dahil sa mga basura at obstruction o mga harang sa daan sa kanilang mga nasasakupan.

Pinadala na ng DILG sa Manila City Council ang listahan ng mga barangay na inirerekomenda na masuspinde dahil sa basura, mga sasakyang ilegal na nakaparada, at iba pang mga nakahambalang sa daan.

Sa unang listahan, 106 barangay ang napabilang, kasama ang 80 na hindi sumunod sa utos ng DILG na paglilinis sa mga nasasakupang kalsada, ayon sa datos ng DILG Barangay Affairs.

Nadagdagan ang listahan ng higit 100 barangay nang umikot ulit ang DILG.

Isa sa mga binanatan ni DILG Undersecretary Martin Diño ang Barangay 307 sa Quiapo district, kung saan may mga ilegal na nakaparada at videoke machine sa gitna ng kalsada.

Sinubukan ng ABS-CBN News na kunin ang pahayag ng chairman na si Johnny dela Cruz pero abala raw ito sa meeting.

Pero ayon sa kagawad na si Michael Alonzo, mula pa noong unang inilabas ng DILG ang utos ay sumunod na sila rito.

Ipinag-utos ng DILG noong Hulyo sa mga lokal na opisyal ang paglilinis ng mga kalsada alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte. Binigyan sila ng 60 araw para sa clearing operations.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.