Lalaking nag-recruit ng mga menor de edad, kinasuhan

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2018 09:43 PM

Ayon sa suspek, may pahintulot ng mga magulang ang pag-recruit niya sa limang menor de edad na mula sa Camiguin para magtrabaho sa Maynila. Larawan mula sa 1001st Maritime Police Station.

CAGAYAN DE ORO CITY – Pansamantalang nakakulong ngayon ang isang 44-anyos na lalaki matapos na mahuli ng 1001st Maritime Police Station noong Sabado sa Macabalan Port na may kasamang 5 menor de edad papuntang Maynila.

Lumabas sa imbestigasyon na na-recruit ang mga ito sa Camiguin para magtrabaho sa isang grocery store sa Dasmariñas, Cavite. Pero ayon sa mga imbestigador, indikasyon ito ng human trafficking lalo na at may kasama siyang menor de edad.

"Nandyan ang element ng trafficking which is the act, means and purpose," sabi ni SPO1 Joylyn Paclibar, Investigator ng 1001st Maritime Police.

Depensa naman ng suspek na pawang mga kamag-anak ng kaniyang asawa ang dadalhin niya sana sa Maynila at lahat sila may pahintulot ng kanilang mga magulang para magtrabaho.

"Dapat maunawaan nila na walang intensyon na trafficking. Ang intensyon makapagtrabaho, makatulong sa pang araw-araw na pangangailangan dahil hindi naman po nag-aaral para din makatulong sa pamilya," sabi ng suspek.

Nasa kustodiya na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD 10) ang limang menor de edad habang nakatakdang pauwiin sa Camiguin ang anim na iba pa nilang kasama.

Kinasuhan na ng Republic Act 9208 o Trafficking in Persons Act of 2003 ang suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.