Ilang pulis-Maynila, inireklamo ng pananakit, pakikialam sa CCTV

ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2018 08:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inireklamo ang ilang miyembro ng Moriones Tondo Police Station sa Maynila ng umano ay pananakit at pakikialam sa surveillance camera habang nagsasagawa ng operasyon noong Biyernes.

Pitong tao ang inaresto ng mga tauhan ng Moriones Tondo police nang salakayin ng mga ito ang isang birthday party sa Barangay 784, Sampaloc noong madaling araw ng Biyernes.

Sa kuha ng CCTV ng barangay, mapapanood na hinampas ng baril ng pulis ang mga lalaki. Ang isa naman sa mga hinuli ay tatlong beses umanong tinadyakan.

Ginalaw din umano ng dalawang pulis ang ilang CCTV sa tagpuan ng operasyon. Ang isa sa kanila ay inangat ito habang ang isa naman ay ginalaw-galaw ito hanggang masira. 

Dahil dito, nagsampa ng reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang mga magulang ng mga naaresto.

Sinasabing nagtanim ng ebidensiya laban sa mga hinuli dahil sa paggalaw umano sa mga CCTV.

"Bakit kailangan nilang sirain kung talagang maganda 'yong purpose ng paghuli nila sa mga bata?" sabi ng isang magulang.

Kaduda-duda rin ang operasyon para sa barangay kagawad na si Weng Calma.

"Bakit kailangan nilang takpan 'yong CCTV camera, mayroon ba silang nililihis?" ani Calma.

Ayon kay Superintendent Dave Mejia, hepe ng Moriones Tondo police, lehitimo ang kanilang operasyon.

Naaresto din daw ang isang high-value target sa lugar.

"Hindi naman talaga perfectly na malumanay ang pag-arrest mo diyan kasi iyan, mga kriminal 'yan eh," ani Mejia.

Ginalaw daw ang mga CCTV dahil may follow-up operation sa karatig-lugar.

"Para hindi masunog 'yong next operation namin," ani Mejia.

"Definitely walang planting of evidence 'yan," dagdag ni Mejia.

Nangako rin ang bagong hepe ng Manila Police District na si Senior Superintendent Vicente Danao Jr. na paiimbestigahan niya ang reklamo ng mga magulang.

--Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.