Hot meat, nasabat sa Cavite

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Nov 13 2018 09:32 AM

Ibinaon na sa lupa ang mga nakumpiskang hot meat sa Cavite City Public Market. Paliwanag ng awtoridad na hindi botcha ang mga karne pero hindi sumailalim ang mga ito sa inspeksiyon. Larawan mula sa National Meat Inspection Services Calabarzon

CAVITE CITY – Ibinaon na ng awtoridad Lunes ng gabi ang higit sa isang toneladang karne ng baboy, manok at baka na nakumpiska habang ibinebenta Sabado ng madaling araw sa Cavite City Public Market.

Ang 1.7 toneladang hot meat na nakumpiska ng mga kinatawan ng National Meat Inspection Services Region 4-A (NMIS) at Cavite City Veterinary Office ay kinabibilangan ng 770 kilo ng karneng baboy, 845 kilo ng manok at 50 kilo ng baka.

Rumesponde lamang umano ang awtoridad mula sa reklamong natanggap sa 8888 Hotline patungkol sa pagbebenta umano ng “botcha” o tinagurian ding double dead meat sa palengke.
 
Pero nilinaw ng pamunuan ng NMIS na hindi botcha ang mga karneng nakuha.

"Hindi ito botcha. Ito ay undocumented lang na mga karne. Masasabi po natin itong good, pero walang inspection,” paliwanag ni NMIS 4-A Director, Dr. Fernando Lontoc.

Tinatayang aabot sa halos P300,000 ang halaga ng nasamsam na karne.

Patuloy naman umano ang proyekto ng lokal na pamahalaan partikular ang pagsasaayos ng katayan sa bayan.

“Ito po ay ginagawa natin para maging legal ang lahat. Ito po ay sa ikasasaayos ng ating mga paninda at para sa consuming public,” sabi ni Cavite City Veterinarian, Dr. Anna Baleda.

Malinaw na paglabag sa Republic Act 10536, partikular sa pagbebenta ng mga hindi sertipikado at walang dokumentasyong mga karne, ang nangyari pero magsisilbi muna itong oral warning sa mga nakumpiskahan ng mga karne.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.