Matapos ang bandalismo, grupo nag-sorry pero iginiit ang 'mensahe'

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2019 08:02 PM

 

MAYNILA - Humingi ng paumanhin sa publiko ang grupong Panday Sining dahil sa kanilang ginawang bandalismo sa ilang underpass sa Maynila na nauna nang nilinis at pininturahan ng mga tauhan ng City Hall.

Giit ng grupo, kinailangan nilang gawin ito para mailabas ang kanilang saloobin hinggil sa mga nangyayari sa bansa sa kasalukuyan.

Sa isang pahayag sa wikang Ingles, sinabi ng Panday Sining na naisipan nilang gamitin ang sining bilang protesta dahil sa patuloy na pagpigil ng pamahalaan sa karapatan ng mga aktibistang tulad nila.

"Sorry for the inconvenience, but the matter and issues at hand are urgent. Left and right, ordinary people are being killed or jailed for criticizing this corrupt and fascist government. The space for peaceful and democratic speech is already being compromised by the regime as it pushes to criminalize dissent with its de facto Martial law nationwide in the name of Executive Order No. 70," paliwanag ng grupo.

Ayon din sa grupo, handa silang makipag-usap kay Manila Mayor Isko Moreno tungkol sa nangyari. Sang-ayon rin umano sila sa kaayusan na isinusulong ng administrasyon ni Moreno.

Nanawagan rin ang Panday Sining sa mga kapwa nila na gamitin ang sining para mailabas ang kanilang mga saloobin at ipaglaban ang kanilang mga karapatan.

Nauna nang nag-viral sa social social media ang larawan ng bandalismo na kagagawan ng grupo.

Ayon sa Manila Tourism & Cultural Affairs Bureau (MTCAB), nakalulungkot na sa ganitong paraan ipinaparating ng mga militanteng grupo ang kanilang hinaing. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.