Lalaking nasa drugs watchlist, patay sa pamamaril sa Bacolod City

Mark Gabriel Salanga, ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2019 12:41 AM | Updated as of Nov 12 2019 04:21 AM

BACOLOD CITY - Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang kinakasama nito matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga salarin sa Barangay 2 sa Bacolod City Lunes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Robert Salvador, 50 anyos. Sugatan ang kaniyang kinakasama na si alyas Tintin Tipon.

Ayon sa mga residente, pitong putok ng baril ang kanilang narinig.

Ayon sa station commander ng Police Station 2 Police Major Sherlock Gabana, nasa drugs watchlist ang dalawang biktima.

Dagdag pa ni Gabana, may mga natanggap silang impormasyon tungkol sa umano'y panloloko ni Salvador sa kaniyang mga kostumer sa ilegal na droga.

Hindi rin umano ito nagbabayad sa mga supplier at gumagamit na siya ng tawas.

Hindi pa tukoy ng pulisya ang salarin sa pamamaril.

Ayon sa dating asawa ni Salvador, madalas pa ring pumupunta ang biktima sa kanilang bahay sa Barangay 3 para humingi ng pera at makikain. Matagal na rin umanong hindi makontrol ang bisyo nito.

Ayon naman sa pulisya, hindi ito ang unang pagkakataong may nagtangka sa buhay ni Salvador pero dahil sa lalim ng pagkakasangkot nito sa ilegal na droga ay hindi na ito nakaligtas sa ikalawang pagkakataon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.