Hirap sa pag-iwas sa plastic idinaing ng ilang consumer

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2019 08:16 PM | Updated as of Nov 12 2019 08:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Dapat isaalang-alang ang kakayahan ng madla na bumili ng mga reusable containers, kaugnay ng gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na wakasan ang paggamit ng single-use plastic sa bansa, ayon sa ilang konsyumer. 

Para sa mamimiling si Abigail Bucas, mas magiging "mahirap" sa kaniyang budget kapag nawala ang mga tingi na produkto gaya ng sachet. 

"Mas tipid po ako doon (sa tingi). Mahihirapan talaga ako sa budget kapag nawala ang mga sachet," ani Bucas. 

May nakikita ring problema ang konsyumer na si Rio Adriano sa paggamit ng plastic lalo na kapag mamamalengke. 

"Ang frustrations naming bilang mga consumer, rainy season po ang Pilipinas parati paano kung gumamit ng paper bag, 'pag nabasa mahirap po iyon," ani Adriano, na gumagamit ng eco bag sa pamamalengke. 

Ayon kay Environment Undersecretary Benny Antiporda, nag-iisip na sila ng mga alternatibo para mapalitan ang plastic. 

Isa rito ang paggamit ng cassava starch para mapalitan ang ilang lalagyan. 

"Yung plastic ban, we have nothing against that but what we are trying to think right now is better alternative for the plastic ban. We dont want Juan Dela Cruz to suffer more,” ani Antiporda. 

Ayon sa advocacy group na Global Alliance for Incinerator Alternatives, pangatlo ang Pilipinas sa pinakamalaking plastic polluter sa karagatan, kasunod ng China at Indonesia. 

Para sa grupo, dapat mas himukin ang pagre-refill at muling paggamit ng mga materyales sa halip na tumulak para sa mga alternatibo gaya ng papel.

"[We could have] refill stations, massive reuse of materials. Mayroon tayong mga reusable containers [gaya ng] bags, bayong. Nanggaling na tayo doon sa ganoong kultura so it is doable,” ani Beau Baconguis, miyembro ng GAIA. 

Tingin naman ni Baconguis na mapapasa ang panukala lalo na’t si Duterte na raw ang nagsabi nito.

Dapat din daw siguraduhin ng gobyerno na mapapatupad ang panukala, sakaling gawin itong batas.

--Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.