3 sugatan sa pagsabog ng granada sa birthday party

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2019 06:55 PM

Sugatan ang 3 katao, kabilang ang isang menor de edad, matapos sumabog ang ihinagis na granada sa isang birthday party sa Barangay Bagolibas sa bayan ng Aleosan sa Cotabato, Lunes ng hapon.

Nakilala ang mga nasugatan na sina Eleuterio Cantomayor, 64; Randy Cantomayor, 44; at isang 13-taong gulang na bata.

Ayon sa ulat, nakasakay sa motorsiklo ang mga suspek nang ihagis ang granada sa bahay sa gilid ng national highway.

“Huminto yung motor akala ng nag-birthday na makisalu-salo pero nakita ng tatay na bunot ng granada sa bag. Sabi niya, granada takbo, tay," kuwento ni Barangay Chairman Virgilio Cantomayor.

Pawang mga kamag-anak ng Barangay Chairman ang mga sugatang biktima.

Nag-iwan ng crater ang pagsabog at nagkabutas-butas naman ang mga yero sa bahay.

Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang awtoridad hinggil sa insidente.

Naka-alerto na rin ang mga pulis at sundalo sa lugar para sa seguridad ng mga residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.