2 dalagita, inireklamo ng 'panggugulpi' sa QC

ABS-CBN News

Posted at Nov 12 2018 08:41 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Inireklamo ng isang 14 anyos na dalagita sa Quezon City ang dalawa ring dalagita na umano ay nanggulpi sa kaniya.

Masayang kumakanta habang pauwi mula eskuwelahan noong Martes si alyas "Nica" at ang kaniyang mga kaibigan nang bigla silang sawayin ng isang barkada ng mga dalagita dahil daw sa kanilang ingay.

Dahil hindi kilala ni "Nica" ang mga dalagita, tumahimik siya, subalit bigla siyang sinabunutan ng isa hanggang mapadapa siya sa kalsada.

Matinding tadyak din ang inabot ni "Nica" sa isa pang dalagita. Binigwasan din siya ng dalawang beses sa ulo.

Nakuhanan pa ng video ang buong insidente ng pambubugbog, na pinagpasa-pasahan ng mga estudyante hanggang sa mapanood ng mga magulang ni "Nica," na nagreklamo naman sa mga tauhan ng Barangay San Roque.

Pinatawag na ng barangay ang mga nanggulpi kay "Nica" at humingi ng tawad ang mga ito.

Ayon sa isa sa kanila, minura sila ni "Nica" nang sawayin nila kaya nila ito sinaktan.

Pero ayon sa tiyuhin ni "Nica," sinadya ang pambubugbog kay "Nica" lalo at wala naman itong kaaway.

"Talagang sinet up, maya-maya may vumi-video eh, may nag-video sa kaniya so talagang nakita mo talagang setup ang nangyari," sabi ng tiyuhin ng biktima.

Ayon naman sa chairman ng barangay na si Nonoy Mortega, ilang beses nang inireklamo sa kanila ang barkada ng mga dalagitang nambugbog.

"Palagay ko kailangan na rin ng professional help," ani Mortega.

Tatlong beses maghaharap sa barangay ang pamilya ng mga dalagita bago umabot sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Hindi naman daw papayag sila "Nica" na makipag-areglo, sabi ng tiyuhin niya.

--Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.