Pedicab driver, 'dinukot, tinangkang patayin ng pulis'

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2018 07:16 PM | Updated as of Nov 11 2018 08:59 PM

Pulisya, iginiit na rumesponde lang sa holdapan

Iniimbestigahan ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon province ang kaso ng isang pedicab driver na dinukot at tinangka umanong patayin ng isang pulis.

Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital si Roger Herrero, isang pedicab driver, matapos magtamo ng tama ng bala mula sa mga tumangay sa kaniya noong Nobyembre 1.

Ayon kay Herrero, binaril umano siya ng isang pulis dahil sa paratang na sangkot siya sa mga nakawan sa bayan ng Agdangan, Quezon.

Apat umano ang tumangay kay Herrero at tatlo raw rito ay kilala niya sa mukha. Kinilala rin niya ang namaril sa kaniya bilang si "Pulis Spidido."

Sabi ni Herrero, ang pagkakasangkot niya sa pagnanakaw ay dahil sa pagbebenta ng mga nakaw na gamit.

Sa retracking ng NBI sa Quezon, kinumpirma ng mga residente ang nangyaring pamamaril.

"Sabi niya, tulong daw, binaril daw siya. Pagkatapos noon, kami ay nagtawag ng tanod," sabi ng isang residente.

Pero iginiit ng Quezon province police, lehitimo ang operasyon.

Isang alyas "Romy" ang umano ay nabiktima ni Herrero at isa pa nitong kasamahan.

"Tumugon lang 'yong ating kapulisan sa tawag ng concerned citizen doon sa naunang insidente ng panghoholdap," ani Superintendent Von Nuyda, deputy provincial director for operations ng Quezon police.

Tinangka raw holdapin nina Herrero si "Romy" na noon ay sakay ng kaniyang motorsiklo, sabi ni "Romy."

Tiniyak naman ng pulisya na makikipagtulungan sila sa NBI at hindi kukunsintihin sakaling may nagkamali sa kanilang hanay. -- Ulat ni Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.