Mga Pinoy na walang trabaho, umabot sa 9.8 milyon: survey

ABS-CBN News

Posted at Nov 11 2018 03:24 PM

Mga nakapilang aplikante sa isang job fair. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Tumaas ang bilang ng mga Pilipino na walang trabaho at "pessimistic" o negatibo ang pananaw kung makakaroon sila ng trabahong maaaring pasukan sa susunod na 12 buwan, base sa survey na inilabas noong Sabado ng Social Weather Stations (SWS).

Ayon sa survey na isinagawa noong Setyembre, nasa 9.8 milyon Pinoy o 22 porsiyento ang walang trabaho, mas mataas sa 8.6 milyon o 19.7 porsiyento na naitala ng Hunyo ngayong taon. 

Itinuturing ng SWS na "jobless" o walang trabaho ang isang tao kung siya ay boluntaryong umalis sa kaniyang dating trabaho, retrenched o nawalan ng trabaho dahil sa "economic circumstances" na wala silang kontrol, o unang beses pa lang naghahanap ng trabaho.

Sa 9.8 milyon walang trabaho, 4.1 milyon ay retrenched, 3.7 milyon ang kusang umalis sa kanilang mga dating trabaho, habang 2 milyon ang unang beses pa lang naghahanap ng trabaho. 

Pinakamataas ang joblessness rate sa Metro Manila na nagtala ng 26.4 porsiyento. Sinundan ito ng Balance Luzon na nagtala ng 22.9 porsiyento, Mindanao na may 19.7 porsiyento, at Visayas na may 19.6 porsiyento. 

Bukod sa dami ng walang trabaho, dumami rin ang mga Pinoy na "pessimistic" o negatibo ang pananaw na mas dadami ang trabahong maaari nilang pasukan sa darating na 12 buwan.

Tumaas ang "pessimism" ng 16 porsiyento noong Setyembre mula 15 porsiyento noong Hunyo.

Isa ang pagbubukas ng mas maraming trabaho sa mga pangunahing alalahanin ng mga Pinoy, bukod sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at ang pangangailangan ng dagdag-sahod, ayon sa isang Pulse Asia survey na inilabas noong Setyembre.

Idinaos ang SWS survey mula Setyembre 15 hanggang 23 sa pamamagitan ng mga face-to-face interview sa 1,500 Pinoy na may edad 18 pataas. Mayroon din itong +/-6 percent margin of error para sa national percentages.

Samantala, sinabi naman ng Malacañang noong Linggo na naghahanap ito ng mga paraan para mapabuti ang lagay ng employment o pagkakaroon ng trabaho sa bansa.

"The Palace... is continuously finding ways to improve the local employment situation," sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa isang pahayag, na reaksiyon sa SWS survey.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.