Ilang kalsada, tulay sa Isabela di madaanan dahil sa umapaw na ilog

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2019 01:54 PM

Hindi madaanan ng mga motorista ang Santa Maria Bridge sa Ilagan City, Isabela matapos umapaw ang ilog. Retrato mula kay Romeo Cabalonga Jr.

Hindi madaanan ng mga motorista ang ilang kalsada at tulay sa ilang lugar sa Isabela province ngayong Linggo dahil sa pag-apaw ng mga ilog bunsod ng magdamag na buhos ng ulan.

Sa Ilagan City, lubog sa baha nitong umaga ng Linggo ang kalsada sa Barangay Aggasian papuntang Barangay Centro-Centro-San Antonio.

Ipinayo ni Rommel Ballesteros, barangay chairman ng Aggasian, na huwag nang pilitin ng mga motorista ang pagdaan sa kalsada.

Hindi rin madaanan ang Santa Maria Bridge sa Barangay Cabeseria 8 at Baculud Bridge.

Isa sa mga alternatibong daan na maaaring gamitin ang national highway ng Barangay Marana 1st na lulusot sa Barangay Centro Poblacion, ayon kay Paul Bacungan, public information office ng Ilagan.

Sa Cauayan City, nalubog din sa tubig ang Alicaocao-Turayong Bridge kaya bangka ang ginagamit ng mga residente.

Nakabantay naman ang mga awtoridad para matiyak ang kaligtasan ng mga residente.

-- Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.