Sunog sumiklab sa Las Piñas

ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2018 03:04 AM

MAYNILA - Pitong pamilya ang nawalan ng tirahan sa sunog sa San Jose St., Barangay Elias Aldana, Las Piñas City Sabado ng madaling-araw.

Ayon kay FO1 Joel Pascua, imbestigador ng Bureau of Fire Protection (BFP) Las Piñas, nagsimula ang sunog sa bahay ni Lorilyn Zamora.

Naiwang kandila ang tinitingnang sanhi ng sunog dahil isang linggo na aniyang naputulan ng kuryente ang bahay.

Tatlong magkakatabi na mga bahay ang nadamay sa apoy na umabot ng unang alarma.

Dalawang tao naman ang nasugatan sa insidente. Tinatayang nasa P80,000 ang halaga ng sanhi ng sunog. - ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News