Bata patay sa paglubog ng bangka sa Quezon

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Nov 10 2018 02:55 PM

Nauwi sa trahedya ang island-hopping ng isang grupo matapos lumubog ang kanilang sinasakyang bangka na nagresulta sa pagkamatay ng isa sa mga pasahero nito sa bahagi ng Sombrero Island sa Quezon Province, Sabado ng umaga.

Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Capt. Armand Balilo, 36 katao ang laman ng bangka kung saan anim rito ay crew. 

"Lahat ito ay na-rescue na. Isa lang ang nakakalungkot na nasawi at ito ay bata," sabi ni Balilo sa panayam sa DZMM.

Galing umano sa San Andres, Quezon ang bangka at patungo sa Sombrero Island para mag island-hopping nang lumubog ito.

"Aalamin namin kung bakit ito lumubog," sabi ni Balilo.

Agad na nakapagpadala ng rescue team ang PCG matapos na matanggap ang ulat na may lumubog na bangka dakong alas-10:30 ng umaga.

Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Emeline Tiburcio, kaanak ng isa sa mga pasahero ng bangka, na nakatanggap sila ng update kanina pang alas-11 ng umaga gamit ang cellphone ng kaniyang pinsan ngunit hindi na rin siya makontak ngayon.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.