P240,000 halaga ng marijuana nasabat sa Pampanga; 3 suspek timbog

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2018 05:31 PM

Nakuha mula sa 3 lalaki ang 6 kilong rolls at bricks ng dried marijuana leaves. ABS-CBN News

Nasamsam ang P240,000 halaga ng marijuana mula sa 3 lalaki sa bayan ng San Simon, Pampanga nitong Biyernes.

Arestado sina Christian Angelo Caluag, Kenneth France Ladion at Marc Rene Miranda matapos mahulihan ng 6 kilong rolls at bricks ng dried marijuana leaves.

“Ang eksena kasi nila is kukuha sila ng marijuana somewhere from the Cordillera region," ani Chief Insp. Louie Gonzaga, hepe ng San Simon Municipal Police.

"Pagkakuha nila doon gamit 'yung passenger van na ginagamit nila for tourist services dahil nagpapa-tour 'yung owner ng van, sinasakay nila 'yung contraband dun, 'yung dried marijuana leaves, and then 'yung target area nila is ibaba sa Metro Manila, but mayroon silang stopovers dito sa Region 3, specifically in Pampanga,” aniya.

Dagdag ng pulisya, matagal na itong ginagawa ng mga suspek. Itinanggi naman ito ng tatlo.

Nahaharap ang tatlo sa kasong selling, distribution, transportation at possession of illegal drugs.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.