Mga parol na gawa ng inmates, magpapaningning sa Davao City

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2018 10:28 AM

Kabilang sa Christmas decors na ginagawa ng mga inmate ng Davao City Jail ay kanilang giant parol, mga snowman at giftboxes.

DAVAO CITY – Abala na ang inmates ng Davao City Jail sa paggawa ng Christmas decorations na gagamitin umano ng lokal na pamahalaan ng Davao ngayong Pasko.

Ang pinal na produkto ng inmates ay isasabit sa iba't-ibang pampublikong lugar sa lungsod tulad ng mga parke, paliparan, piling lansangan at iba pa.

Isa sa mga gumagawa ay si alias 'Jun'. Dalawang taon na siya sa piitan. Aniya, malungkot man sa piitan sapagkat hindi niya makakapiling ang pamilya ngayong Pasko, pero nakakagaan umano ng pakiramdam sa tuwing gumagawa sila ng mga dekorasyon.

Maiging ginagawa ng inmates ang bawat dekorasyon. Gawa naman sa recycled plastics ang pangtakip sa bawat items.

Hindi mawawala kada taon ang kanilang giant parol na tatak produkto ng inmates.

Ngayong taon, snowman at gift boxes naman ang mga bago nilang handog. Mayroon ding mga parol na dinagdagan ng lighted ropes na magpapailaw sa mga lansangan sa lungsod.

"Malaking tulong ito sa inmates dahil ang kanilang kikitain ay ibinibigay nila sa kanilang pamilya. Malamig man ngayong Pasko pero ito’y nagbibigay sa kanila ngayon ng pag-asa," sabi ni Jail Inspector Edo Lebonia.

Tig-100 ang bilang ng mga snowman at giftboxes, habang 300 naman ang mga parol na iba-iba ang sukat.

Inaaasahang magniningning at mapapalamutian ang lungsod ng mga parol na gawa ng inmates simula ika-23 ng Nobyembre.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.