58 anyos dinampot sa 'panghahalay' ng mga bata sa van

ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2018 11:13 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Huli ang 58 anyos na lalaki na nanghalay umano sa dalawang bata sa loob ng kaniyang van sa Novaliches, Quezon City.

Ayon sa imbestigasyon ng Quezon City Police District, pinakyaw ng suspek na si Romeo Sanchez ang mga panindang kakanin ng mga bata, na 9 at 10 anyos.

Matapos nito, inalok umano ni Sanchez ang mga batang mamasyal at pumasok sila sa van, kung saan ginawa umano ng lalaki ang kahalayan.

Nakatakas lang daw ang mga biktima nang maubusan ng gasolina ang sasakyan.

Giniit ni Sanchez na wala siyang ginawang kasalanan at "apo" raw ang turing niya sa mga bata.

"Apo na po ang turing ko diyan kasi marami na rin akong tinutulungan sa amin [na] mga bata," aniya.

Makikita pa sa CCTV na paikot-ikot ang nasabing van, na naging basehan para arestuhin si Sanchez.

Sumasailalim ang mga bata sa counseling. Mahaharap naman sa kasong acts of lasciviousness at paglabag sa Republic Act 7610 o child abuse ang suspek.

-- Ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.