3 sugatan sa pananaksak sa Surigao City

Lorilly Awitan, ABS-CBN News

Posted at Nov 09 2018 08:56 PM


Tatlo ang sugatan matapos mag-amok at manaksak ang isang 62-anyos na lalaki sa Surigao City nitong Miyerkoles ng tanghali.

Sa imbestigasyon ng Surigao City Police, may tinitingnan umano sa kaniyang jeep ang biktimang si Jimmy Jamil nang lapitan ito ng suspek at saksakin. Nakailag ito at gumulong sa ilalim ng kaniyang kinukumpuning sasakyan.

Hindi nakuntento ang suspek at nilapitan naman nito ang mag-asawang Emiliar at Crispino Arco Jr. na nakasakay na sa kanilang motorsiklo at paalis na sana sa lugar. 

Isa-isa niya ito umanong sinaksak hanggang sa matumba. Nilapitan ng mga residente ang mag-asawa at pinasuko ang nagwawalang suspek. 

Sinampahan na ng kasong frustrated murder ang suspek na may diperensiya umano sa pag-iisip, ayon kay Supt. Diomedes Cuadra, hepe ng Surigao City Police.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.