Lokal na pamahalaan ng Digos at DOLE, nagbigay tulong sa mga biktima ng lindol

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2019 12:17 AM

Ito ay programa ng lokal na pamahalaan at ng Department of Labor and Employment, para sa mga apektadong manggagawa.

DIGOS - Nagsimulang magbigay ng ayuda ang lokal na pamahalaan ng Digos sa mga residenteng nawalan ng trabaho dulot ng lindol, nitong Huwebes.

Ito ay programa ng lokal na pamahalaan at ng Department of Labor and Employment, para sa mga apektadong manggagawa.

Mahigit 1,000 trabahador na ang nagpalista para humingi ng tulong.

Kabilang sa kanila ang saleslady na si Ana Fe Resicio, na nawalan ng trabaho dahil isinara muna ang pinagtatrabahuan niyang mall sa Digos matapos ang mga lindol nitong Oktubre.

"Ililipat daw nila ng branch pero ayaw ko na kasi malayo na sa akin at magrerenta din naman ako doon," ani Resicio.

Nagpapasalamat si Norhana Abdurahim sa tulong ng gobyerno dahil kahit papaano may pera sila habang naghahanap ng trabaho.

"Kailangan namin ng trabaho dahil malaking tulong sa akin at sa pamilya ko," ani Norhana.

Ayon kay Digos City Vice Mayor Johari Baña, para itong cash for work.

"They will have to report to us. Mayroon tayong special project coordinator. Magpa-lista sila, tapos magpapa-profile,"ani Baña.

May 500 na mga trabahador na ang nakatakdang magsisimula sa cash for work. Idedeploy sila sa mga barangay para sa relief distribution

Tutulong din sila sa paglilinis at pagri-rehab sa mga napinsalang lugar sa lindol.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.