Higit 900 pamilya sa Bataan, apektado ng malalakas na hampas ng alon

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2019 11:15 PM

Sinira ng malalakas na alon ang ilang bangka ng mga residente ng bayan ng Mariveles, Bataan nitong Huwebes. Handout

MARIVELES, Bataan—Higit 900 pamilya sa bayang ito ang naapektuhan ng paghampas ng malalakas na alon nitong Huwebes.

Ayon sa mga lokal na opisyal, aabot sa 940 pamilya sa mga barangay ng Biaan, Cabcaben, Alasasin, Sisiman, Ipag at Balon Anito ang apektado.

Nasira ang maraming bahay at bangka na siyang pangunahing ikinabubuhay ng karamihan sa mga residente.

Bagama't pina-evacuate, karamihan sa mga residente ang nagsibalikan sa kanilang mga bahay.

Ayon sa mga opisyal, patuloy pa rin ang kanilang pagmo-monitor sa paggulong ng mga alon.

Pero ayon sa municipal disaster risk reduction and management office (MDRRMO) ng bayan, sadyang hindi na ligtas ang manirahan malapit sa dagat.

Hinahanda na ang mga ipamimigay na relief goods ng lokal. Inaayos na rin ang financial at livelihood assistance para sa mga apektado, lalo na sa mga residenteng nasiraan ng mga bangka.

Hindi muna pinapayagan ang maliliit na bangka at fishing vessel na pumalaot habang hindi pa tuluyang bumubuti ang lagay ng panahon.

—Ulat ni Gracie Rutao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.