Militar dinawit sa pamamaril sa abogado ng mga biktima ng Sagay massacre

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2018 05:11 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Naniniwala ang ilang progresibong grupo na may kinalaman ang militar sa pananambang noong Martes sa isa sa mga abogado ng mga biktima ng Sagay massacre sa Negros Occidental. 

Idinawit ni Felipe Gelle ng grupong Paghidaet Para sa Kauswagan ang militar na pinagbibintangan niyang siyang nasa likod ng pagkamatay ni Atty. Benjamin Ramos. 

Posible umanong kagagawan ang pamamaril ng death squad na binuo ng Armed Forces of the Philippines sa probinsiya. Naniniwala sila, ani Gelle, na ang pagkamatay ni Ramos ay bahagi ng extrajudicial killings laban sa human rights defenders at mga miyembro ng mga progressive organizations. 

Binaril ng mga di pa nakikilalang lalaki si Ramos sa harap ng isang tindahan sa Negros Occidental nitong Martes. 

Pro bono, o libreng serbisyo ang ibinigay ni Ramos, na miyembro ng National Union of People's Lawyers, para sa mga paglilitis ng kaso sa pagpatay sa 9 sugarcane workers sa Negros Occidental noong Oktubre 20. 

Ani Clarizza Dagatan ng grupong Karapatan, dapat patunayan ng mga pulis na walang pagtatakip sa mga imbestigasyon na gagawin nila tungkol sa mga kasong may kaugnayan dito. 

Ayon sa pamunuan ng 303rd infantry brigade ng Philippine Army, handa silang harapin ang mga akusasyon ng mga grupo laban sa kanila. 

Nangako naman ang Philippine National Police na masigasig nilang iimbestigahan ang kaso para mabigyan ng hustisya ang pamilya ni Ramos. 

Kinondena rin ng Integrated Bar of the Philippines ang pagpatay sa isa sa kanilang mga mieymbro. -- Ulat ni Nico Delfin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.