Mga nasawi sa bagyong Yolanda, ginunita

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2018 11:47 AM

 

PALO, Leyte - Isang misa ang ginanap bilang paggunita sa mga nasawi sa bagyong Yolanda may limang taon na ang nakalilipas.

Sa pangunguna ng lokal na pamahalaan ng Palo at probinsiya ng Leyte, ginanap ang misa sa Palo Metropolitan Cathedral at sinundan ng pagbasbas ng Yolanda mass grave sa labas ng simbahan.

Nagtirik ang mga residente ng mga kandila at nag-alay ng mga bulaklak sa mass grave. Nagpalipad din ng mga kalapati at mga lobong may desenyong rosaryo.

Umabot sa 7,350 katao ang namatay o nananatiling nawawala sa hagupit ng bagyong Yolanda. Sa bayan ng Palo, higit sa 1,000 ang nasawi sa bagyo.

Sa Tacloban City kung saan tumama ang storm surge na may 5 metro ang taas at winasak ang lahat ng dinaanan nito, isa ring misa ang inialay.

Ito ay para sa mga nasawi at bilang pasasalamat sa mga nakaligtas sa delubyo at sa patuloy na pagbangon ng mga tao matapos ang pagtama ng bagyo.

Nagsagawa rin ng earthquake drill ang ilang residente sa Tacloban. - Ulat nina Ranulfo Docdocan at Jenette Fariola-Ruedas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.