'Mabagal na rehabilitasyon' idinaing ng Yolanda survivors

Jenette Ruedas at Gigi Grande, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2018 10:20 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Taong 2013 nang manalasa sa Eastern Visayas at mga karatig-lugar ang bagyong Yolanda, ang pinakamalakas na bagyong naitala sa kasaysayan ng Pilipinas.

Nagdulot ito ng storm surge o mga daluyong na may taas na higit pitong metro, pagguho ng maraming bahay at gusali, at pagkamatay ng higit 7,360 tao.

Makalipas ang limang taon, unti-unti nang nakababangon mula sa trahedya ang mga nakaligtas sa hagupit ng bagyo.

Isa rito ang taga-Tacloban City na si Yolanda Sembrero, na kahit ipinagbabawal ng gobyerno ay muling nagtayo ng barong-barong sa "danger zone" o iyong mga lugar sa tabing-dagat na delikado sa lagpas-ulong daluyong.

Ayaw nilang umalis dahil hinihintay nilang mailipat sila sa ipinatayong bahay ng non-government organization na Francesco sa Pope Francis Village.

May sukat na 40 square meters ang kongkretong bahay. Mayroon ding banyo, lababo, ikalawang palapag, at balkonahe.

Ayon kay Sembrero, kontento raw sila sa pabahay dahil mula sa pagplano sa disenyo, pagbili ng lupa hanggang sa pagtayo ay kinonsulta sila ng Francesco.

Tanging hangad lang ni Sembrero ang magkaroon ng bahay na ligtas at malayo sa kalamidad.

Subalit hindi lahat ay kontento gaya ni Sembrero.

Nasa libo-libong Yolanda survivors ang nagdaos ngayong Huwebes ng protesta dahil sa umano ay palpak na rehabilitation effort ng gobyerno.

Bukod sa bahain daw ang lugar na pagtitirikan sa mga bahay, substandard o mababa ang kalidad ng mga itatayong gusali.

"Bakit hindi pa tapos 'yong bahay? Hindi pa siya ayos? At mailalagay ka naman sa lugar na babahain at saka substandard iyong quality ng bahay?" sabi ni People Surge President Efleda Bautista.

Sa halip na tugunan ang pangangailangan ng mga tao, mas iniintindi umano ng gobyerno ang pagpapalago ng turismo sa lugar.

Watch more in iWant or TFC.tv

MGA NANINIRAHAN SA 'DANGER ZONE'

Dahil hindi pa tapos ang mga pabahay na ipinangako ng gobyerno, may ilang mga naninirahan sa danger zone ang hindi makaalis kahit gusto nila.

Isa rito si Edna Conllera, residente rin ng Tacloban, na aminadong tuwing lumalakas ang ulan sa kanilang lugar, bumabalik sa kaniya ang alaalang iniwan ni Yolanda.

"Kasi 'yong balud (alon) malalaki," aniya.

Ang iba naman, pinipiling manatili sa danger zone kahit pa may alok nang permanenteng bahay dahil naroon daw ang kanilang mga hanapbuhay.

Ayon kay Ildebrando Bernadas, head ng city disaster and risk reduction management office ng Tacloban, hangga't hindi inaayos ng National Housing Authority (NHA) ang mga problema sa bahay, papayagan nila ang mga biktima ng Yolanda na tumira sa tabing-dagat.

Pero agad naman daw nilang palilikasin ang mga residente kapag may banta ng malakas na bagyo o iba pang kalamidad.

"When there is a forecast of an impending hazard like typhoon to come and hit Tacloban, we will immediately vacate that area," ani Bernadas.

Ayon naman kay NHA Spokesperson Elsie Trinidad, hindi lahat ay dapat isisi sa kanila.

"If bigger budget per house would have been afforded, we could have built a more, in terms of design, in terms of materials, maybe more superior... But we are also limited to the funding," ani Trinidad.

Bukod sa Tacloban City, bumalik din sa mga danger zone ang ilang nakaligtas sa Yolanda sa mga bayan ng Tanauan at Palo sa Leyte.

Sa Palo, nagdaos ng misa para gunitain ang mga nasawi sa kasagsagan ng Yolanda.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.