11 dalagita na 'ibinubugaw' sa Antipolo, nasagip

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2018 05:50 AM

RIZAL - Nasagip ng mga pulis Miyerkoles ng gabi ang 11 dalagita na umano'y ibinubugaw sa Antipolo City, Rizal

May edad 13 hanggang 17 ang mga biktima. Ibinebenta sila sa halagang P1,500 hanggang P50,000.

Nahuli naman sa entrapment operation ang 33 anyos na lalaki na sinasabing bugaw.

"Nagpanggap na seaman ang pulis natin. O-order ng 4 na babae. Nagdala siya ng 11. Para siguro may pagpilian," ani Supt. Villaflor Bannawagan, hepe ng Antipolo City police.

Dagdag ni Bannawagan, nasa P50,000 umano ang hinihingi ng suspek kapag virgin ang biktima.

Sa pagmamanman ng mga pulis, sa bahay na pagmamay-ari ng suspek tumatambay ang mga dalagita na nagsisilbi na ring umanong sex den. Ikinabahala ito ng mga kapitbahay ng suspek.

"Napansin namin andaming mga labas-masok na bata na 'di naman taga-roon. Tapos may mga nami-mick-up. Nakasasakyan," ani ng presidente ng homeowners association ng lugar.

Natagpuan ng mga pulis sa bahay ang mga damit ng mga biktima. May mga bag at uniform din na pang-high school.

Pinabulaanan naman ng suspek ang mga paratang sa kaniya.

"Nagpatulong lang sila sa akin. Sabi kailangan nila ng nakatatanda," aniya.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 7610 of Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003. - ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.