2 piloto ng bumagsak na eroplano sa Aurora, naisalba

Noriel Padiernos, ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 05:51 PM

Natagpuan na ang dalawang piloto na nakaligtas sa pagbagsak ng isang Cessna plane sa bulubundukin ng Sierra Madre sa Aurora nitong Martes.

Pasado ala-una Miyerkoles nang marating ng mga rescuer ang kinaroroonan ng bumagsak na eroplano.

Sa nakarating na report kay Lt. Col. Edwin Paredes, commander ng 56th Infantry Battalion ng Philippine Army, nagtamo ng sugat sa katawan at pilay ang pilotong si Capt. Albert Galvan at ang estudyante nitong si Alexis Trinidad.

Sa inisyal na imbestigasyon, bandang 10 a.m. Martes nang lumipad mula Lingayen airstrip ang dalawa lulan ng 2-seater Cessna plane at iikot sana sa parte ng Aurora.

Posible umanong hindi nila napansin ang mataas na parte ng bulubundukin dahil sa maulap na panahon.

Hirap ngayon ang mga rescuer dahil sa masukal at matarik na daanan pababa ng bundok. Hindi rin maaring gumamit ng rescue chopper dahil sa maulap na panahon.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga kaanak ng mga piloto na naghihintay sa tanggapan ng 56th IB ng Philippine Army sa Baler.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.