Programa para malabanan ang depresyon isinusulong sa mga paaralan

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2019 08:16 PM

Para makatulong na malabanan ang depresyon, isinusulong ng isang non-government organization na isama sa pag-aaralan sa mga eskuwelahan ang pagkakaroon ng "emotional resilience" program.

Tugon ito sa bilang ng mga kabataang nakakaranas ng depresyon sa bansa, ayon sa grupong Natasha Goulbourn Foundation + Mindstrong.

Paliwanag ni Jun Sy, incoming chairman ng board of trustees ng grupo, ito ay dahil kakaunti lang ang mga child psychiatrist para tumugon sa bilang ng mga kabataang nakakaranas ng depresyon.

"Ang laki ng gap ng available professional resources doon sa needs and that is very disturbing and something we want to address by working with schools," ayon kay Sy.

Ayon sa grupo, nasa 75 lang ang rehistradong child psychiatrist sa bansa. Aabot din daw sa 1 milyon na kabataang Pinoy ang nakakaranas ng depresyon.

Nasa 800,000 ang namamatay kada taon sa buong mundo dahil sa suicide, ayon sa World Health Organization. Katumbas ito ng isang tao kada 40 segundo.

Pangalawa rin ang suicide sa sanhi ng pagkamatay ng mga edad 15 hanggang 29 anyos.

Sa programa, isasailalim sa counselling ang mga estudyante, ayon sa NGF + Mindstrong founder Jean Goulbourn.

"We have to start them young, the emotional resilience. The program is pure counselling," ani Goulbourn.

Mas pinalawak na rin ng grupo ang kanilang hotline para tumanggap ng mga tawag at sumaklolo sa mga nakakaranas ng depresyon.

HOPELINE PHILIPPINES

24/7 Suicide Prevention and Emotional Crisis Lines

  • 8804 4673
  • 0917 558 4673
  • 2919 (toll free para sa Globe at TM subscribers)

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.