Lalaking nagbiro na may dalang bomba sa mall sa CDO, timbog

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2019 11:19 PM

CAGAYAN DE ORO - Inaresto ang isang lalaki matapos itong magbiro na may bomba sa loob ng kaniyang backpack sa isang mall sa lungsod na ito Miyerkoles ng gabi.

Ayon sa suspek na si Dexter Duran, pumasok siya sa naturang mall para bumili sana ng pagkain, nang ininspeksyon ng gwardiya ang kaniyang bag.

"Nasabi ko sa kanya (gwardiya) na 'bomba chief' pero medyo hindi ko intensyon na manggulo. Siguro nasabi ko yun dahil sa pagod," ani Duran.

Nilinaw ni Duran na walang gulong nangyari.

Agad umanong tumawag ng tulong ang gwardiya ng mall sa napadaang pulis, na siyang tumawag ng taga-explosives and ordnance division o EOD.

Ayon kay Police Exec. MSgt. Terencio Virtudazo ng Macabalan Police, nilabag ni Duran ang Presidential Decree 1727 dahil sa pagbanggit ng bomb joke sa mataong lugar, kagaya ng mall.

Nakasaad sa batas na maaaring pagmultahin ng hindi bababa sa P40,000 o di kaya makulong ng aabot sa limang taon ang sinumang mapatunayang may sala.

Wala ring inirekomendang piyansa sa naturang kaso.

"Kailangan nating mag-ingat sa mga ganitong biro. Hindi pwedeng magbanggit ng biro na meron tayong bomba para hindi makabigay ng perwisyo o alarma sa ibang tao, dahil may kaukulang parusa ang pagbanggit nito," ani Virtudazo.

Inamin ni Dexter Duran na naging leksyon na ang pagka-aresto sa kanya.

Bukod sa paglabag ng Presidential Decree 1727, sinampahan din siya ng kasong alarm and scandal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.