Gasolina tumagas sa tumagilid na fuel tanker sa Bukidnon

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2019 07:01 PM

Tumagas ang kargang 14,000 liters na gasolina ng tumagilid na fuel tanker sa Bukidnon. Larawan mula sa Sumilao Fire Station 


CAGAYAN DE ORO CITY - Tumagas ang nasa 14,000 gasolina mula sa isang fuel tanker matapos ito madisgrasya sa Sitio Mahindang, San Vicente, bayan ng Sumilao sa Bukidnon, madaling araw ng Martes.

Huminto muna umano sandali para umihi ang driver ng tanker mula Cagayan de Oro City at papunta sana Cotabato pero biglang umatras ang kaniyang tanker at binangga ang isang bahay saka tumagilid.

Sugatan ang may-ari ng bahay na agad dinala sa ospital.

Dahil sa pagtagas ng gasolina, pinalikas ng Bureau of Fire Protection ang tatlong pamilya na nakatira malapit sa lugar na pinangyarihan ng insidente.

"Ang dalawang tangke nag spill out so direkta nating pinalikas sila kasi baka may mag-ignite at mag-cause ng sunog," sabi ni SFO2 Niejel Clive Nacario, commander ng Sumilao Fire Station.

Humingi din ng tulong ang BFP Sumilao sa Special Rescue Unit ng BFP sa Malaybalay City para makapag-spray ng aqueous film-forming foam sa tumagas na gasolina.

"Kailangan natin i-blanket sa foam ang hazardous chemical," dagdag ni SF02 Nacario.

Miyerkoles na ng madaling araw nang ma-clear ng BFP ang lugar kaya pinabalik na nila ang mga lumikas na residente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.