4 na 'most wanted' sa Caraga region, arestado

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2019 09:39 PM

Arestado sa magkakahiwalay na operasyon ang apat na kabilang sa listahan ng "most wanted persons" ng pulisya sa Caraga region.

Kabilang sa mga naaresto si Rey Antonio, 19 anyos at residente ng Santiago, Agusan del Norte, ayon sa Police Regional Office 13. 

Inihain ang arrest warrant laban kay Antonio noong Nobyembre 5, habang nagpapagaling ang suspek sa Butuan City Medical Center.

Si Antonio ang top 1 most wanted person ng Santiago Municipal Police Station dahil sa umano'y pagkasangkot nito sa pagpatay sa dating hepe ng pulisya na si Police Master Sergeant Reil Morgado noong Disyembre 2018.

Nasa ospital si Antonio matapos masugatan sa engkuwentro sa pagitan ng 29th Infantry Battalion at umano'y New People's Army sa Barangay San Isidro sa bayan ng Santiago noong ika-2 ng Nobyembre.

Samantala, arestado rin ang top 2 most wanted person ng Butuan City Police Station 4 na si Rico Maglao sa Barangay Taguibo, Butuan City noong Nobyembre 5. 

May kasong paglabag sa Republic Act No. 7610 o Protection against child abuse, exploitation and discrimination si Maglao.

Arestado rin ang top 3 most wanted person ng Tagana-an Police si John Melvin Frijas dahil sa umano'y pagnanakaw.

Naaresto si Frijas sa isang checkpoint sa Tagana-an Surigao del Norte noong Nobyembre 4.

Sa isang checkpoint rin sa bayan naman ng Claver, Surigao del Norte naaresto si Gil Taer, ang top 4 most wanted person ng Claver Police.

Arestado si Taer noong Nobyembre 3 dahil sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9262 o ang Anti-Violence against Women and their Children Act.

Ayon kay Brigadier General Joselito Esquivel, parte ng kanilang Manhunt Charlie ang operasyon laban sa mga nasabing suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.