Pagpatay sa abogado sa Negros, kinondena

ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2018 08:53 PM | Updated as of Nov 07 2018 09:21 PM

BACOLOD CITY - Kinondena ng iba't ibang grupo ang nangyaring pagpatay kay Atty. Benjamin Ramos, ang abogadong tumutulong sa kaso ng 9 na magsasakang pinatay sa isang hacienda sa bayan ng Sagay.

Martes nang barilin ng mga nakamotorsiklong salarin si Ramos habang naninigarilyo sa harap ng isang tindahan malapit sa kanilang bahay sa bayan ng Kabankalan.

Si Ramos ang secretary-general ng National Union of People's Lawyers (NUPL) chapter.

Nagtipon ang ilang mga grupo sa harap ng dating city hall ng Bacolod City nitong Miyerkoles para ipanawagan ang hustisya para kay Ramos, maging sa iba pang biktima ng extrajudicial killings.

Nagsindi rin sila ng kandila para kay Ramos at sa mga magsasakang pinatay sa Sagay.

Ayon kay Clarizza Dagatan, Secretary-General ng Karapatan-Negros, lumalabas sa kanilang fact-finding investigation na umano'y death squad na pakawala ng militar ang may kinalaman sa pagpaslang sa 56 anyos na abogado.

Naniniwala din si Felipe Gelle, myembro ng Paghidaet sa Kauswagan Group, na patunay ito ng marahas na paraan upang mapigilan ang isinusulong na mga kampanya para sa karapatang pantao ng grupo ng pinatay na biktima.

Nakahanda naman ang pamunuan ng 303rd Infantry Brigade na harapin ang mga akusasyon ng mga militanteng grupo.

Nangako rin si Police Regional Office VI Director, Chief Superindentent John Bulalacao na masusi nilang imbestigahan ang kaso upang mapaabot ang hustisya sa mga naiwan na pamilya ni Ramos.

Bukod sa pakikiramay ay kinondena rin nila ang pamamaslang sa human rights lawyer.

Kasabay nito, kinondena rin ng mga kasapi ng Integrated Bar of the Philippines ang pagpatay sa kanilang kapwa-miyembro.