Lalaki patay matapos saksakin ng kabarkada dahil sa videoke

Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Posted at Nov 07 2017 08:33 AM

Patay ang isang lalaki matapos saksakin ng kanyang kabarkada dahil lang sa pagtatalo sa videoke sa Navotas City kahapon.

Mahimbing na natutulog si Anthony Mabansag, 23, nang saksakin siya sa leeg ng kabarkadang si Arjhay Oliva.

Bago nangyari ang insidente, nagkakasiyahan ang dalawa sa labas ng bahay ni Mabansag nang biglang magkapikunan.

"Nag-agawan sila ng kanta," sabi ng kapatid ng biktima na si Alvin.

Ayon kay Alvin, maalalahanin at mabait na kapatid ang biktima.

"Sana mabigyan ng hustisya ang kuya ko. Pre, kung nasaan ka man, sana lumitaw ka na. Di namin akalain na ikaw lang ang gagawa nito," dagdag ni Alvin.

Patuloy ngayon ang paghahanap kay Oliva na nakulong na rin dati dahil din sa pananaksak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.