Ebidensiya kulang para idawit si Albayalde sa 'ninja cops' issue: Napolcom

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 01:20 PM

MAYNILA — Bigong makahanap ang National Police Commission (Napolcom) ng sapat na ebidensiya para iugnay ang nagbitiw na si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Oscar Albayalde sa isyu ng "ninja cops."

Ayon kay Napolcom vice chairman and executive officer Rogelio Casurao nitong Miyerkoles, walang "substantial evidence" para magsampa ng kasong administratibo laban kay Albayalde. 

"We presented the facts that we were able to discover and submitted it to the Secretary of the DILG (Department of the Interior and Local Government) and then from there they were able to come up with that finding that there is no basis to charge Albayalde administratively," ani Casurao.

Taliwas ang konklusyon ng Napolcom sa resulta ng Senate blue ribbon committee inquiry kung saan inirekomenda nilang kasuhan si Albayalde.

Nag-ugat ang isyu sa umano'y panghihimasok at pagprotekta daw ni Albayalde sa kaniyang mga dating tauhan sa Pampanga police na nag-recycle ng droga. 

"It’s hard to establish that he knew of the operation from the very start," said Rogelio Casurao, vice chairman and executive officer of Napolcom.

Ayon kay Casurao, matatanggap ni Albayalde ang kaniyang terminal benefits mula PNP sa pagreretiro niya sa Nobyembre 8. Gayunpaman, nanganganib pa rin ang kaniyang pensiyon. 

"But as for the pension, subject to the outcome of the cases that might be filed against him," ayon kay Casurao.

Binuksan muli ng Department of Justice ang imbestigasyon ukol sa kontrobersiyal na 2013 Pampanga drug raid. 

Kinasuhan naman ng Criminal Investigation and Detection Group sina Albayalde at kaniyang mga dating tauhan na dawit sa naturang drug raid. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.