ALAMIN: Mga dapat gawin kapag may buhawi

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2019 09:00 PM

MAYNILA - Tila eksena sa pelikula ang tumambad sa Marawi City, Lanao Del Sur nitong Lunes nang mabuo ang buhawi sa lugar. 

Sa lakas ng buhawi, tinangay ang bubong ng ilang estruktura. 

Kabilang sa mga apektado ng buhawi si Mohan Bani Mandia, na nagse-set up sa lugar para sa isang event ng Department of Environment and Natural Resources. 

"Biglang tinangay ng malakas na hangin 'yung tent, bahay, tulad ng isa doon bubungan tinangay," kuwento ni Mandia. 

Agad din daw silang nagtakbuhan sa konkretong estruktura para magtago. 

Sa paunang assessment ng Marawi City Disaster Risk Reduction Management Office, higit 40 bahay ang nasira mula sa limang barangay. 

Ilan sa mga naapektuhan ay mga residenteng kababalik lang sa kanilang mga barangay matapos ang Marawi Siege noong 2017. 

Ayon sa state weather bureau na PAGASA, natural lang na magkaroon ng buhawi sa bansa, na nangyayari kapag may thunderstorm na nagdadala ng mainit at mamasa-masang hangin na naghahalo sa tuyong hangin. 

Kapag malakas ang isang buhawi, kaya nitong tangayin ang mga bahay - gaya ng mga nararanasan sa Amerika. 

Sa Pilipinas, kung saan hindi gaano kalakas ang buhawi, ipinayo ng PAGASA Weather Specialist Raymond Ordinario na maghanap ng matibay na masisilungan gaya ng bahay o gusali na walang bintana. 

Kung nasa mataas na gusali, dapat daw bumaba sa unang palapag. 

Makakatulong din kung dumapa sa ilalim ng isang matibay na mesa. 

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.