Obrero sa Western Visayas, pumalag sa bigong hirit na umento

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2018 08:31 PM

Sa harap ng anunsiyong may P25 umento ang minimum wage earners ng National Capital Region (NCR), dismayado naman ang kinatawan ng mga manggagawa sa Western Visayas dahil tila minamaliit umano ang kanilang bagong hirit na dagdag-sahod.

Ayon kay Wennie Sancho, labor representative sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) Western Visayas, hiniling nila sa National Wages Productivity Commission (NWPC) na repasuhin ang Wage Order No. 24 o kautusang nagtaas ng P41.50 sa sahod sa rehiyon noong Hulyo.

Pero sa halip na pagbigyan, sinabi sa isang pahayag ng NWPC na walang "supervening condition" o pambihirang pagkakataon o sitwasyon na maaaring maging basehan ng dagdag-sahod.

Ayon sa batas, isang beses lamang maaaring magtaas ng sahod ang rehiyon kada taon, maliban kung may emergency na lubhang nakaaapekto sa araw-araw na pamumuhay ng mga manggagawa. 

Giit ni Sancho, ang itinaas sa minimum wage noong Hulyo ay wala ring saysay dahil sa nadamang pagsipa ng inflation sa rehiyon.

Sinabi rin niya na hindi lang ang Western Visayas ang nabigo sa pahayag ng NWPC kundi pati na rin ang apat na iba pang mga rehiyon na gusto ring humingi ng umento bunsod ng mga taas-presyo.

Kasalukuyang nasa P365 ang minimum wage sa Western Visayas.

—Ulat ni Mitch Lipa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.