Mandatory pregnancy test, ipatutupad sa Baguio college

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2018 08:42 PM | Updated as of Aug 05 2019 11:43 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Magsasagawa ng mandatory pregnancy test ang isang kolehiyo sa Baguio City para sa mga babaeng estudyante mula sa ilang piling kurso — isang hakbang na tinutulan ng mga women's group.

Sa memorandum order na inilabas ng Pines City Colleges, sinabi nitong magkakaroon sila ng mandatory pregnancy test mula Nobyembre 7 hanggang 9 para sa mga babaeng estudyante nilang kumukuha ng mga kursong nursing, pharmacy, at dentistry. 

Sa isang pahayag, sinabi ng kolehiyo na gagawin nila ang pregnancy test para sa mga estudyante na mag-e-enroll sa mga kursong maaaring maging mapanganib para sa mga magiging ina at sa ipinagbubuntis ng mga ito.

Magsasagawa ng mandatory pregnancy test ang Pines City Colleges sa ilang babae nitong estudyante. ABS-CBN News

"Pines City Colleges abides by its policy of pregnancy tests for female students who are enrolling in any subject that would endanger both mother and child," sabi sa pahayag.

Ang pregnancy test daw ay isang patakarang sinang-ayunan ng kanilang mga estudyante nang mag-enroll ang mga ito sa kolehiyo.

"We believe it is a policy protective of our students while they are in our care and are deployed to internship programs in hospitals and to clinical practice," dagdag ng kolehiyo sa kanilang pahayag.

Ayon sa Gabriela Women's Party, paglabag sa Magna Carta of Women ang pagkakaroon ng mandatory pregnancy test.

Pinaiiral din daw nito ang diskriminasyon laban sa mga babae at ang ideya na hindi katanggap-tanggap ang pagbubuntis.

"This mandatory pregnancy test is discriminatory against women, violates the Magna Carta of Women, and perpetuates an old view and stigma that pregnancy is socially unacceptable and against the norm," sabi ng Gabriela sa isang tweet.

Kinondena rin ng Innabuyog, isang regional alliance ng mga women's group sa Cordillera, ang mandatory pregnancy test at tinawag itong paglabag sa karapatan ng mga babaeng estudyante.

"Ito ay outright violation ng kanilang karapatan. Ano 'yung purpose doon sa pagsasagawa ng mandatory pregnancy tests?" sabi ni Innabuyog Chairperson Virgie Dammay.

Umani rin ng batikos sa social media ang pagsasagawa ng kolehiyo ng mandatory pregnancy test dahil paglabag daw ito sa karapatan ng mga kababaihan.

Wala namang problema ang mga mag-aaral ng kolehiyo sa pagsasagawa ng pregnancy test.

"Okay lang naman po para din malaman 'yong safety," anang estudyanteng si Monica Ebusca.

"May mga laboratories kami na hindi safe kaya kailangan po kami magpa-test," sabi naman ng estudyanteng si Dianne Guaque.

Ayon naman kay Commission on Higher Education Chairman Prospero De Vera, inatasan na niya ang legal department ng kanilang komisyon para silipin ang pangyayari.

Naalarma rin ang Commission on Human Rights at sinabing nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang kanilang tanggapan sa Cordillera.

-- Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.