Commercial model, tiklo matapos makuhanan ng 'party drugs'

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2018 06:48 AM | Updated as of Aug 05 2019 11:40 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Arestado ang isang commercial model matapos makuhanan ng hinihinalang party drugs at liquid ecstasy sa loob ng kaniyang bahay sa isang ekslusibong subdivision sa Mindanao Ave., Quezon City Lunes ng gabi.

Sa bisa ng search warrant ng inilabas ni Judge Virgilio Macaraig ng Manila Regional Trial Court Branch 37, nilusob ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang bahay ni Zuher Bautista alas-10 ng gabi.

Base sa pagmamanman ng NBI, nagsisilbi umanong drug den ang bahay ni Bautista at sa kuwarto umano niya madalas isinasagawa ang drug session.

Sa lagayan ng mga candy nakitang nakahalo ang ilang tableta na hinihinalang party drugs. Nakalagay naman sa iba't ibang botelya ang hinihinalang liquid ecstasy.

Lahat ng ito ay dinala sa laboratoryo para ipa-eksamen.

Ayon sa special action unit ng NBI, gumagamit umano ng droga si Bautista at kaniyang mga kaibigan sa kuwarto nito. Mga kabataan at kapwa modelo ang madalas umanong kasama ni Bautista.

Pero ayon kay Bautista, matagal na nung huli siyang gumamit at hindi raw sa kaniya ang mga nakuhang droga. Aminadong mahilig siyang mag-party pero hindi raw nila trip ang pagdro-droga.

Kasamang inimbitahan sa tanggapan ng NBI ang mga kaibigan ni Bautista na naabutang kasama niya nang isagawa ang raid.

Posibleng mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Bautista. - ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.