7 'fixer,' nag-alok mag-imprenta ng libro sa China, timbog

ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2018 08:08 PM | Updated as of Aug 04 2019 01:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Timbog sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pitong nagpresentang "fixer" para umano sa mas murang pag-imprenta ng mga libro sa China na natuklasang scam pala. 

Sa isang kapihan sa Malolos, Bulacan pinagdadampot ang grupo, na ayon sa St. Andrews Publishing House ay nakatangay ng P500,000 mula sa kanilang kompanya.

Kuwento ng mga awtoridad, nanalo ang publishing house ng kontrata sa Department of Education (DepEd) upang maglabas ng textbook at umeksena raw ang pitong suspek na nagpresentang iiimprenta ang libro sa China sa mas murang halaga.

Naniwala ang St. Andrews, pero makalipas ang walong buwan ay wala pa ring naiimprentang aklat.

Naningil pa raw ng dagdag na P4.5 milyon ang mga suspek para madaliin at mapadala na ang mga libro galing China. 

Pero nang kusang mag-imbestiga ang publishing house, lumalabas na wala talagang iniimprentang libro sa China.

Pero pinaninindigan ng mga suspek na lehitimo ang kanilang transaksiyon at sila pa raw ang nadaya.

Kulong ngayon ang pito sa kasong syndicated estafa.

Nag-abiso naman ang NBI na huwag pumatol sa mga nagpapakilalang mga fixer sa mga ahensiya ng gobyerno. —Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.