Mga suspek sa 'rent-tangay' modus, arestado sa La Union

Teomar Bautista, ABS-CBN News

Posted at Nov 06 2017 06:48 PM

LA UNION - Arestado sa La Union ang mga itinuturong suspek sa pagtangay sa nirentahang sasakyan.

Biyernes ng gabi nang maaresto sa bayan ng Sto. Tomas ang 2 tumangay sa kotse ni alyas Carla mula sa San Fernando City.

Kinilala ang mga suspek na sina Efren Dizon at isang alyas Marie.

Kwento ni Carla, October 29 nang rentahan ni Dizon ang kanyang kotse. Nagpakilala umano itong si Reynaldo Mendoza.

Ayon sa suspek, susunduin nito sa airport ang fiance. Nagbayad pa ito ng renta hanggang apat na araw.

Naibangga sa puno ang sasakyan nang matagpuan ito.

"Eh kasi nung tinrack namin, nandito lang pala siya sa La Union dahil hindi na nga niya sinasagot 'yung cellphone. Eh siyempre nagduda kami, kaya nga 'yun nag-search kami ng pangalan niya," ani Carla.

Hindi pa matiyak ng mga pulis ang tunay na pangalan ng dalawang nahuli dahil gumagamit sila ng iba't ibang pangalan at address.

Sa mga nakuhang ID kay Dizon, iba't iba ang pangalan na nakalagay pero iisa ang larawan at lagda.

Aminado si Dizon na plano talaga niyang itakas ang sasakyan at isangla sa casino para may ipangsugal.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Marie na may iniinda umanong sakit.

Nasa kustodiya ng San Fernando City Police Station ang mga suspek, na haharap sa kasong carnapping.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.