Ilang batang atleta sa truck ibiniyahe para sa provincial meet

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2019 12:02 PM | Updated as of Nov 05 2019 12:25 PM

Nagsisiksikan at nakatayo ang mga batang atleta mula Rizal, Palawan na lalahok sa isang provincial meet sa Palawan. Photo Courtesy: James Factor

Iniimbestigahan ngayon ng Department of Education ang kumakalat na larawan ng mga student athlete sa Palawan na isinakay nang siksikan at nakatayo sa isang trak papunta sa isang district meet. 
 
Sa kuhang retrato ng Bayan Patroller na si James Factor noong Nobyembre 3, makikitang walang bubong, nakatayo, at siksikan sa isang trak ang mga batang atleta na karamihan ay mga babae. 

Galing sa bayan ng Rizal ang mga manlalaro na patungo sa bayan ng Bataraza para makilahok sa provincial meet. 

Ayon kay Grace Estefano, Information Officer ng DepEd, ipinatatawag na nila ang district supervisor ng bayan ng Rizal para magpaliwanag sa nangyari. 

"We are investigating po sa DepEd kung bakit ganun ang kalagayan ng mga players. Dapat din po kasi natin mapakinggan din ang side nila para malinawan po tayo sa issue,” ani Estefano. 

Ikinadismaya ni Factor ang kalagayan ng mga bata, ayon sa kaniyang post. 

"Sana naman naayos ang sasakyan bago nag-decide na umalis kasi 'yung safety ng mga bata 'yung importanteng bigyan ng pansin,” ani Factor. 

Ayon kay Estefano, nasa lokal na pamahalaan ang responsibilidad at pondo para sa paghahatid ng mga manlalaro sa kanilang paroroonan. 

"Nasa LGU na po ang tasks sa mga manlalaro para ihatid sila sa venue ng palaro. Dapat may pondo talaga para sa kanila. And we are making sure na safe at maayos po sila the entire game po," pahayag ni Estefano. 

Paliwanag ni Norman Ong, bise-alkalde ng bayan, hindi naasikaso ang pag-renta ng bus para sa mga manlalaro. 

"Pinag-uusapan na namin sa session yan. Hindi naman ganyan dati kasi may bus kaming nirerent para sa athletes,” paliwanag ni Ong.
 
Sisiguruhin din umano na hindi nila napapabayaan ang mga manlalarong nagsisikap para makapag-uwi ng medalya.

Magtatagal mula Nobyembre 10 hanggang Nobyembre 15 ang provincial meet.--Ulat ni Rex Ruta, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.