Robredo itinalaga ni Duterte bilang co-chair ng komite vs illegal drugs

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2019 03:59 PM | Updated as of Nov 05 2019 08:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pormal na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs si Bise Presidente Leni Robredo. 

"I am pleased to transmit herewith your designation letter, signed by President Rodrigo Duterte, as co-chairperson of the inter-agency committee on anti-illegal drugs," ani Presidential Spokesperson Salvador Panelo sa memorandum, na isinapubliko ngayong Martes. 

Wala pang sagot ang kampo ni Robredo kung tatanggapin ang katungkulan. 

Maaalalang sinabi ni Duterte sa isang talumpati na gusto niyang ibigay kay Robredo nang anim na buwan ang law enforcement powers. 

Kaugnay ang hakbang ni Duterte sa naging pahayag umano ng bise presidente na imbestigahan ang "war on drugs" ng gobyerno dahil naging "palpak" daw ito. 

Dati nang pinangambahan ng ilang kaalyado ni Robredo na posibleng gawing "scapegoat" si Robredo sa pag-andar ng anti-drug campaign ng administrasyon, kung saan libo-libo ang napapatay sa police operations. 

Hangad umano ng Malacañang sa hakbang na makita ng mga kritiko ng gobyerno na tapat ang naging alok ni Duterte kay Robredo. 

"Effectively, we're giving her a ladder to the presidency. This is her chance, this is her moment, she should accept it, take the moment to help the Filipino people, help this administration, help herself and show to her colleagues that she can hack it," ani Panelo sa panayam sa ANC. 

Sa isang panayam, sinabi ni Aaron Aquino, director-general ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na susuportahan niya si Robredo sa pagkatalaga nito sa anti-illegal drug committee. 

Hangad din ni Aquino na tanggapin ni Robredo ang alok ni Duterte, na makakatulong umano sa kampanya kontra droga. 

"Instead of blaming the war on drugs on the President why not help the admin's campaign on illegal drugs so I think by designating her (Robredo) as the co-chairman will greatly help," ani Aquino sa panayam sa ANC. 

Wala pang nabibitawang pahayag si Robredo ukol sa pagtatalaga ni Duterte sa kaniya sa ngayon. 

-- May ulat ni Pia Gutierrez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.