3 magkakapatid nalunod sa rumaragasang ilog sa Zamboanga City

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2019 10:38 PM | Updated as of Nov 05 2019 11:27 PM

Tatlong magkakapatid ang nalunod sa rumaragasang ilog sa Barangay Dulian sa Zamboanga City noong Biyernes.

Natagpuan ang katawan ng panganay na 16-anyos sa ilog ng Barangay Curuan, na higit limang kilometro ang layo mula sa lugar, kung saan sila nalunod.

Ayon kay Leon Sarmiento, barangay chairperson ng Dulian, natagpuan Martes ng umaga ang katawan ng dalawa pang magkapatid, na 8 at 5 taong gulang, sa ilog din ng Curuan.

Ayon kay Sarmiento, pauwi na sana ang magkakapatid mula sa pag-ani ng mais, nang abutan sila ng malaking baha habang tumatawid sa ilog sa Sitio Gorigold.

Inanod din ng rumaragasang tubig-baha ang isang kalabaw na sinakyan ng tatlong magkakapatid.

Dinala sa isang punerarya ang katawan ng tatlong magkakapatid.

Tumulong naman ang mga opisyal ng barangay para mabigyan ng disenteng libing ang magkakapatid.

Bumuhos ang malakas na ulan sa lungsod noong biyernes dahil sa epekto ng isang low-pressure area.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.