Traffic enforcer trainee, tinutugis dahil sa 'pagtangay ng motorsiklo'

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2018 07:59 PM | Updated as of Aug 04 2019 11:55 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang trainee na nagsisilbing traffic enforcer sa Makati City matapos umanong magnakaw ng nakaparadang motorsiklo sa isang mall.

Naaresto naman sa naunang follow-up operation si Apollo Bartolome, na kasabwat umano ng trainee at suspek na si Noel Natividad.

"Itong si Apollo Bartolome ay nadaanan nga niya ang motor. Ang ginawa niya is mayroon siyang tinawagan, mayroon siyang tinext muna na kasabwat niya," ani Senior Superintendent Rogelio Simon, hepe ng Makati police.

"So noong dumating iyong tinawagan niya, nakita natin sa CCTV na sinamahan niya ito para ituro kung nasaan 'yong motor," ani Simon.

Sa kuha ng CCTV noong hapon ng Sabado, mapapanood na sinundo ni Bartolome si Natividad sa labas ng mall at magkasama silang naglakad papunta sa parking area.

Sa isa pang video, makikitang may minamaneho na si Natividad na motorsiklo palabas ng mall.

Narekober ang motorsiklo sa Sta. Ana, Maynila sa follow-up operation.

Umamin naman si Bartolome, na rider at server sa isang restoran sa mall, na siya ang nagti-tip kay Natividad sa mga puwede nilang tangayin na motorsiklo.

Inaalam na rin ng mga awtoridad kung si Natividad din ang nasa likod ng iba pang insidente ng pagtangay ng motorsiklo sa lugar.

--Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.